[go: up one dir, main page]
More Web Proxy on the site http://driver.im/Pumunta sa nilalaman

Kuwentong-bayan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Isang Europeong kwentong-bayan, ang Little Red Riding Hood; guhit ni Jessie Willcox Smith, 1911
Isang kuwentong-bayang Aleman, ang Hansel and Gretel; guhit ni Arthur Rackham, 1909

Ang kuwentong-bayan (Ingles: folklore) ay bahagi ng isang kalinangan na binabahagi ng isang partikular na pangkat ng mga tao; sinasasaklaw nito ang mga tradisyon karaniwan sa kalinangan, subkultura, o pangkat na iyon. Kabilang dito ang tradisyong pasalita tulad ng mga salaysay, alamat[1], kawikaan at biro. Kabilang sa mga ito ang kulturang materyal, na mula sa tradisyunal na istilo ng mga gusali hanggang sa mga laruang gawang-kamay na karaniwan sa pangkat. Kabilang din sa kuwentong-bayan ang tradisyunal na kaalaman (kaya maaring tawagin din itong tradisyong-bayan o tradisyong-pambayan), na nagbibigay aksyon para sa mga paniniwalang-bayan, ang mga anyo at ritwal ng mga pagdiriwang tulad ng Pasko at mga kasal, mga sayawing pambayan, at mga rito ng pagsisimula. Bawat isa sa mga ito, nag-iisa man o magkahalo, ay tinuturing isang artipakto ng tradisyong-pambayan. Kasinghalaga ng anyo, sinasaklaw din ng kuwentong-bayan o tradisyong-bayan ang paghatid ng mga artipakto iyon mula sa isang rehiyon hanggang sa isa pa, o mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod pa na henerasyon. Hindi tipikal na makukuha ang kuwentong-bayan sa isang pormal na kurikulum ng paaralan o pag-aaral sa pinong sining. Sa halip, impormal na naipapasa ang mga tradisyon mula sa isang indibiduwal hanggang sa isa pa sa pamamagitan ng tagubiling pasalita o demonstrasyon. Tinatawag na araling tradisyong-pambayan o polkloriko ang akademikong pag-aaral ng kuwentong-bayan o tradisyong-bayan, at maari itong masiyasat sa mga antas na undergradweyt, gradweyt, at Ph.D.[2]

Pangkalahatang ideya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa wikang Ingles, tinatawag ang kuwentong-bayan bilang folklore na isang tambalan ng mga salitang folk at lore, na nilikha noong 1846 ng Ingles na si William Thoms,[3] na inimbento ang katawagn bilang kapalit para sa kontemporaryong terminolohiyang "popular antiquities" (kilalang mga antiguwedad) o "popular literature" (kilalang panitikan). Nagmula naman ang ikalawang bahagi ng salita, ang lore, sa Lumang Ingles na salitang lār ('tagubilin'). Ito ang kaalaman at mga tradisyon ng isang partikular na pangkat, na kadalasang naipapasa sa salita lamang.[4]

Magkakaiba ang konsepto ng folk (karaniwang tao, katutubo, bayan o pambayan) sa paglipas ng panahon. Nang unang nilikha ni Thoms ang katawagan, nailalapat ang folk sa kanayunan lamang, na kadalasan sa mga mahihirap at hindi marunong bumasang mga pesante. Isang mas makabagong kahulugan ng folk ay isang pangkat panlipunan na kinabibilangan ng dalawa o higit pang tao na may karaniwang katangian, na ipinapahayag ang kanilang binabahaging pagkakakilanlan sa pamamagitan ng katangi-tanging mga tradisyon. "Isang konseptong naibabagay ang salitang folk na maaring tumukoy sa isang bansa bilang is tradisyong-pambayang Amerikano o sa isang mag-anak lamang."[5] Sinusuporta ng pinalawak na kahulugang panlipunan na ito ang isang mas malawak na pananaw ng materyal, i.e. ang lore o tradisyunal na kaalaman, na tinuturing na magiging mga folklore artifacts o artepakto ng tradisyong-bayan. Kinabibilangan na ito ngayon ng lahat ng "mga bagay na ginagawa ng tao sa mga salita (tradisyunal na kaalamang pasalita), mga bagay na ginagawa nila sa kanilang mga kamay (tradisyunal na kaalamang materyal), at mga bagay na ginagawa sa kanilang mga aksyon (tradisyunal na kaalamang nakagawaian)".[6] Hindi na tinuturing ang tradisyong-bayan na maging limitado sa mga luma o lipas na. Patuloy na naipapasa ang mga artepaktong-pambayan na ito sa impormal na paraan, bilang isang patakaran ng hindi pagpapakilala, at parating nasa maramihang uri. Hindi pang-indibiduwal ang pangkat pambayan, nakabatay ito sa pamayanan at pinagyayaman ang tradisyunal na kaalaman nito sa pamayanan. "Habang umuusbong ang mga bagong grupo, nalilikha ang bagong tradisyong-bayan… mga nagsu-surf, mga motorsiklista, mga tagaprograma ng kompyuter."[7] Sa direktang kaibahan sa mataas na kalinangan, kung saan ang kahit anumang nag-iisang gawa ng isang pinangalang alagad ng sining ay prinopreteka ng karapatang-ari, isang tungkulin ang tradisyong-bayan ng binabahaging pagkakakilanlan sa loob ng isang karaniwang pangkat.[8]

Sa pagkakaroon ng natukoy na artipaktong pambayan, nagsisikap ang propesyunal na polklorista na maunawaan ang kahalagaan ng mga paniniwala, kaugalian, at mga bagay na ito sa pangkat, yayamang hindi maipapasa ang mga yunit pangkultura na ito[9] maliban kung mayroon ang mga ito ng ilang patuloy na kaugnayan sa pangkat. Bagaman, maaring mapalitan at magbago ang kahulugan, halimbawa: iba ang pagdiriwang ng Gabi ng Pangangaluluwa ng ika-21 dantaon sa pagdiriwang nito noong Gitnang Panahon, at nagbibigay daan din ng magkaroon ng sariling pangkat ng mga urbanong alamat na hiwalay sa makasaysayang pagdiriwang; orihinal na mabuting pampublikong kalusugan ang mga ritwal ng paglilinis ng Ortodoksong Hudaismo sa isang lupain na may kakaunting tubig, subalit napalitan ang kahulugan ng kaugalian na nagpapahiwatig sa ibang tao ng pagkakakilanlan bilang Ortodoksong Hudyo. Sa paghahambing, isang karaniwang aksyon tulad ng pagsisipilyo, na naihahatid din sa loob ng isang grupo, ay nanatiling isang praktikal na isyu ng kalinisan at pangangalaga ng kalusugan at hindi umusbong sa antas ng isang tradisyong binibigyan kahulugan ng isang pangkat.[10] Sa simula, isang naaalalang pag-uugali ang tradisyon; kapag nawala ang praktikal na layunin, wala ng dahilan para ipasa pa ito maliban kung tumagos na ang kahulugan nito na lagpas na sa inisyal na pagiging praktikal ng aksyon. Sentro ang kahulugan sa polkloriko, ang pag-aaral ng kuwentong-bayan o tradisyong-bayan.[11]

Sa patuloy na pagiging teoritikal na sopistikado ng mga agham panlipunan, naging maliwanag na ang tradisyong-bayan ay isang likas na pangyayari at isang kinakailangan na bagay sa kahit anumang pangkat panlipunan; ito ay talagang nasa paligid natin.[12] Hindi kinakailangang luma o kupas na ang tradisyong-pambayan, patuloy itong nililikha at hinahatid, at sa kahit anumang grupo, ginagamit ito upang ipagkaiba ang "tayo" sa "sila."

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Ang isang alamat ay isang kuwentong tradisyunal na popular na tinuturing minsan bilang makasaysayan subalit hindi napatotohonan.
  2. "Folklore Programs in the US and Canada". cfs.osu.edu (sa wikang Ingles). Ohio State University. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Nobyembre 2018. Nakuha noong 21 Agosto 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "William John Thoms". The Folklore Society (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Hulyo 2020. Nakuha noong 15 Hulyo 2020.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "lore – Definition of lore in English". Oxford Dictionaries (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Marso 2019. Nakuha noong 8 Oktubre 2017.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Dundes 1969, p. 13, footnote 34 (sa Ingles)
  6. Wilson 2006, p. 85
  7. Dundes 1980, p. 7 (sa Ingles)
  8. Bauman 1971
  9. Dundes 1971
  10. Dundes 1965, p. 1 (sa Ingles)
  11. Schreiter 2015.
  12. Sims & Stephens 2005, pp. 7–8