[go: up one dir, main page]
More Web Proxy on the site http://driver.im/

Maugnaying Pilipino/Maligayang Bati

MALIGAYANG BATI
Nakaraang Pahina Kasunod na Pahina
Maugnaying Pilipino (Panimula) Liham sa UNESCO




Republika ng Pilipinas
PAMBANSANG PATNUGAN SA PAUNLARANG PANG-AGHAM
(National Science Development Board)
Maynila



MALIGAYANG BATI


 Lihim kong sinubaybayan ang mga gawain ng Lupon sa sa Agham. Nakatutuwang pagmasdan ang isang pangkat ng mga dalub-agham na matiyagang nag-aaral ng kung paano lalapatan na tumpak na salitang-agham sa Pilipino ang mga salitang-agham sa Ingles. Ako ay naniniwala na darating din ang panahon na pag ang wikang katutubo ang igiit na ituro sa mga mag-aaral, ang lahat ng larangan ng agham ay mabilis na mauunawaan at pakikinabangan ang mga natutuhan. Ito ay batay sa karanasan ng Bansang Hapon na sa wikang Nihonggo itinuturo ang agham doon. Pinatutunayan ng mga ulat dito sa atin na sa pulutong ng 100 batang magsimula sa unang baitang sa primarya, humigit-kumulang lamang sa 40 ang nakarating sa mataas na paaralan o “high school,” at ang 60 ay hindi nagpapatuloy at napipilitan nang maghanap buhay sa anumang kaparaanan o pagkakataong matagpuan. Kung silang tinatawag na mga "drop-outs" o tumigil sa pagaaral ay nakauunawa sa mga katawagan at kahulugan ng agham, katulad ng mga batang Hapon na kasinggulang nila, sila man ay matutulad din nitong huli na nakukuhang mga katulong sa pagawaan ng radyo, TV, auto, atb., lalo sa kalalang o industriya. Hindi ko naman masisisi ang sinuman sa mga pinuno sa ating Kagawaran ng Pagtuturo at talaga namang salat na salat ang ating napakikinabangang mga salita o katawagan sa agham. Paano nga naman maituturo sa wikang pambansa kung gayon?
 Salamat na lamang at may mga nagmamalasakit na gumagawa ng kusang-loob na hakbang upang malunasan ang suliranin. Ang mga kaanib ng Lupon sa Agham ay maihahanay sa mga bayani bagaman ang kabayanihang itinatampok nila ay isang larangang hindi pangkaraniwan. Nakahandang ipailalim ang kapakanang pansarili sa kagalingan ng Wika at ng Bayan, ang mga panganib ng Lupon at ang kanilang mga tagataguyod at kapanalig ay gumagawa at naglilingkod nang walang pasubali. Tahimik at tungo ang ulo sa paggawa upang mapag-abuloy sa ikauunlad ng Agham at Wika. Anong pambihirang kabayanihan! Mga matatapat na lingkudbayan na hindi naghihintay katanyagan o pabuyang walang kabuluhan kung ihahambing sa kaluwalhatian ng sangkatauhan. Nawa'y manatili silang tinatanglawan ng kalinga at biyaya ng Maykapal, maging matatag sila sa paninindigan at magtaglay sila ng kalusugang hindi magagapi ng kasawiang-palad sa mga pagnanais na mahandugan ang bayan ng mabisang paglilingkod.


(Lgd.) JUAN SALCEDO, JR.
Tagapangulo


TUNAY NA SIPI